Darkjade Library
Title: "Bala de Obra"
Pen name:
Story:
Isang malakas pagbagsak ng pinto ang pumukaw sa aking atensyon habang ako‘y payapang nagpipinta sa aking silid. Agad niya akong tinutukan ng baril at ‘di nag-atubiling iputok ito. Hindi na ako nakaporma pa nang sunod-sunod niyang kalabitin ang gatilyo nito. Malalakas na putok na baril ang pumailanlang sa paligid habang tuluyang nanlalamig ang aking katawa‘t nanlalatâ sa paglaon ng maikling oras.
Kasabay ng panlalabo ng paningin ko‘y ang paglamig ng aking katawan na tila ba ako‘y lumulubog sa kaibuturan ng karagatan.
Sa isang iglap, isang mukha ng pawisang babae ang bumungad sa aking paningin. Mukha siyang pagod ngunit mababakas sa kan‘yang mukha ang nagdidiwang na ngiti.
“Telo, Telo, tingnan mo ang anak natin,” bigkas ng babae. Isang lalaki naman ang agarang lumapit sa amin. Ang mga mata niya‘y tila ba nagkikinangang mga diyamante habang ako‘y kan‘yang tinitingnan.
“Maraming salamat sa pagluluwal sa butihin kong anak, Delora. Walang pagsisidlan ng aking tuwang ikaw ang kaniyang ina.” Marahan niyang niyakap ang babae. “May naisip ka na bang ngalan niya?” tanong ni Telo.
“Mula ngayon, tatawagin natin siyang Bolo,” turan ni Delora.
Dahil sa pagnanais kong tumayo, bahagya kong inangat ang aking mga bra*o ngunit ang nasilayan ko‘y mga bisig ng sanggol.
Bakit naging bata ulit ako?!
Mabilis lang na lumaon ang panahon. Natuto akong tumayo, magsalita, magbasa, magsulat, at higit sa lahat, ang puminta.
Ang mga bagay nga na nakikita ko ay parang normal lang ngunit sa dalawampung taon kong pamumuhay rito, masasabi kong kakaiba ang lugar o mundong ito.
Ang bawat taong naririto‘y mahuhusay na pintor. Tila ba ang pagiging malikhain sa lugar na ito‘y kasabay na sa kanilang paghinga. Ang mundong ito‘y masasabing puno ng mahika. Ang mga taong kanilang pinipinta ay maaaring makausap. Ang mga hayop sa kanilang mga obra ay kumikilos na parang totoo; ang mga ibon ay lumilipad, ang mga isda'y lumalangoy, at ang iba pang mga hayop ay tumatakbo. Ang mga likhang sining na walang sariling porma‘y nagmimistulang bahagi ng mundo.
Hindi ko alam kung anong sikreto nila. Ang mga obra ko‘y nananatiling iba. Hindi ko alam kung saan ko napupulot ang aking mga ideya ngunit ang nilalaman ng aking mga obra‘y pinupuno ng trahedya; mga dugo, armas, at higit sa lahat, ang kamatayan.
Dala ng pagkabagot, naisipan kong maglakad-lakad na lang muna. Nilibang ang aking sarili sa naggagandahang likhang sining ng bawat isa.
Walang ano-ano’y kinilabutan na lang akong bigla. Kusang kumilos ang aking mga paa‘t tumakbo patungo sa pribado kong budega.
Agad kong nasilayan ang aking ama‘t ina, nakabulagta‘t duguan.
“Takbo Bolo, takbo!” bulyaw sa akin ni Telo. Susubukan ko pa sanang tumakbo ngunit may kung anong tumama sa likod ko.
“Ang akda mo‘y karumihan sa pamahalaan. Ang pagbubunyag ng natatagong sikreto‘y walang kapatawaran,” turan ng isang lalaki habang patuloy na pinupukol sa aking ulonan ang hawak niyang matigas na bagay. Doon ko napagtantong ang obra ko‘y ‘gaya kong ‘di nabibilang sa mundong ito. ‘Pagkat ang likhang sining ko‘y pambabatikos sa pamahalaan ng nakaraan buhay ko, na ‘di inaasahang maulit sa mundong ito.
-----WAKAS-----
Click here to claim your Sponsored Listing.
Category
Website
Address
Agdangan Quezon Province
Lucena