Cavite News Network

Cavite News Network

Share

Cavite News Network: Makatotohanang Balita sa Buong Probinsya ng Cavite

Patuloy na nagsisilbing pangunahing pinagkukunan ng impormasyon ang Cavite News Network para sa mga Caviteño na naghahangad ng mabilis, wasto, at makatotohanang balita.

Photos from Cavite News Network's post 25/06/2026

DMW RO 4A, NAGSAGAWA NG HOUSING FAIR PARA SA OFWs SA CAVITE

Naic, Cavite — Nagsagawa ang Department of Migrant Workers (DMW) Regional Office 4A ng kauna-unahang Housing Fair 2026 sa Naic, Cavite ngayong Hunyo 25, 2026, bilang bahagi ng programa para sa mas maayos at pangmatagalang reintegrasyon ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang pamilya.

Layunin ng aktibidad na mailapit sa mga OFW ang mga abot-kayang pabahay sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng DHSUD, Pag-IBIG Fund, NHA, SHFC, NHMFC, TESDA, DOLE, OWWA, at LGU Naic, kasama rin ang ilang pribadong developer.

Ayon sa DMW, mahalaga ang programa upang matulungan ang mga OFW na makapagsimula ng mas ligtas at permanenteng pamumuhay sa bansa sa pamamagitan ng access sa disenteng pabahay at iba pang serbisyong pangkabuhayan.

Isa rin sa naging tampok ang paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng DMW RO 4A at LGU Naic at mga katuwang na ahensya para palakasin pa ang suporta sa mga OFW.

Dinaluhan din ito ng mga OFW-led businesses na nagpakita ng kanilang mga produkto sa ilalim ng programang “Buy Lokal, By OFWs.”

Sa kabuuan, daan-daang OFW at kanilang pamilya ang nakinabang sa naturang housing fair na naglalayong makatulong sa kanilang matagumpay na pagbabalik at paninirahan sa Pilipinas.

25/06/2026

KAKULANGAN SA SILID-ARALAN SA SILANG, UNTI-UNTING NATUTUGUNAN

SILANG, Cavite — Patuloy ang pagsisikap ng Pamahalaang Bayan ng Silang na mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa pamamagitan ng pamumuhunan sa mga proyektong pang-imprastraktura para sa mga paaralan.

Ayon kay Carranza, layunin ng mga inisyatibong ito na tuluyang maalis ang class shifting at mabigyan ang bawat mag-aaral ng ligtas at maayos na kapaligiran sa pag-aaral.

Dagdag pa niya, ang pagkakaroon ng mas angkop na learning environment ay makatutulong sa mas epektibong pagkatuto ng mga estudyante.

Samantala, nakipagtulungan ang lokal na pamahalaan sa Department of Education (DepEd) sa ilalim ng localized school building program.

Layunin ng programang ito na pabilisin ang pagtatayo at pagsasaayos ng mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan.

Inaasahang makatutulong ang programa sa pagtugon sa kakulangan ng mga silid-aralan at sa pagpapabuti ng edukasyon para sa mga mag-aaral sa Silang.

25/06/2026

KULTURA NG CAVITE, BIBIDA SA TOURISM EXPO

CAVITE CITY — Magpapakitang-gilas ang mga mahuhusay na mananayaw ng Sandaloy Pangkat Mananayaw sa ikalawang araw ng Central Philippines Tourism Expo 2026 sa Hunyo 27, 2026, kung saan tampok ang mayamang kultura at sining ng Cavite.

Bilang pangunahing opisyal na dance company ng Cavite National High School, layunin ng Sandaloy Pangkat Mananayaw na hubugin ang kabataang Pilipino na may pagmamahal sa sining, kultura, at tradisyon.

Patuloy nilang isinusulong ang pangangalaga sa pamana ng lahi habang inihahanda ang mga kabataan upang maging mahuhusay na alagad ng sining sa lokal at pandaigdigang entablado.

Aabangan ng mga manonood ang kanilang makukulay at makasaysayang pagtatanghal, kabilang ang “Los Bailes De Ayer (The Maria Clara Suite)”, na nagpapakita ng kagandahan at kariktan ng panahong kolonyal, at ang “Rural Dances (Fiesta sa Nayon)”, na sumasalamin naman sa masiglang buhay at tradisyon sa kanayunan.

Ayon sa City Government of Cavite, ang pagtatanghal ay bahagi ng pagsisikap na maipakilala ang natatanging kultura, talento, at turismo ng lungsod sa mas malawak na publiko.

Inaanyayahan ang lahat na masaksihan ang isang makulay na paglalakbay sa sining at kulturang Caviteño sa Central Philippines Tourism Expo.

Asahan ang indak, musika, at tradisyong tunay na maipagmamalaki ng Cavite City.

Photos from Cavite News Network's post 25/06/2026

NIC, IPINAGDIWANG ANG IKA-11 TAONG ANIBERSARYO

Sangley Point, Cavite City – Ipinagdiwang ng Naval Installation Command (NIC) ang ika-11 anibersaryo nito noong Hunyo 15 sa Sangley Point, Cavite City, na may temang “NIC@11: Anchored in Commitment, Strengthening the Navy’s Support Services.”

Pinangunahan ni Flag Officer In Command ng Philippine Navy na si Vice Admiral Jose Ma Ambrosio Q. Ezpeleta ang pagdiriwang bilang panauhing pandangal.

Dumalo rin si Rear Admiral Peter Jempsun V. De Guzman at iba pang opisyal, kawani, at mga stakeholder ng command.

Sa programa, itinampok ang mga nagawa ng NIC sa nakalipas na labing-isang taon, kabilang ang pagpapalakas ng mga pasilidad, imprastraktura, at serbisyong sumusuporta sa operasyon ng Philippine Navy.

Kinilala rin ang mga natatanging tauhan at organisasyong nagbigay ng mahalagang ambag sa tagumpay ng command.

Pinuri ni Vice Admiral Ezpeleta ang NIC sa mahalagang papel nito sa pagpapanatili ng kahandaan at kakayahan ng hukbong-dagat.

Samantala, nagpasalamat naman si Rear Admiral De Guzman sa lahat ng opisyal, enlisted personnel, sibilyang kawani, at mga katuwang na naging bahagi ng mga tagumpay ng command.

Ayon sa pamunuan ng NIC, patuloy nilang palalakasin ang kanilang kakayahan upang suportahan ang isang moderno, matatag, at mission-ready na Philippine Navy sa pagtatanggol ng karagatang sakop ng bansa.

Photos from Cavite News Network's post 25/06/2026

LALAKING TINANGKANG TUMANGAY NG MOTOR SA LOOB NG GATED COMPOUND, ARESTADO

TANZA, CAVITE – Kulong ang isang lalaki matapos maaktuhan at maaresto nang tangkaing tangayin ang isang motorsiklo sa loob pa mismo ng isang gated compound sa Brgy. Julugan 7, Tanza, Cavite nitong Huwebes ng umaga, Hunyo 25, 2026.

Kinilala ang suspek sa alyas “Ben,” residente ng Tanza, Cavite.

Ayon sa ulat ng Tanza Municipal Police Station, bandang alas-10:00 ng umaga nang isagawa umano ng suspek ang pagkuha sa motorsiklong nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱40,000 na nakaparada sa harap ng apartment ng biktima.

Hindi naman pinalampas ng live-in partner ng may-ari ang insidente matapos makita ang hindi kilalang lalaki na sakay na ng motorsiklo palabas ng compound.

Dito na agad siyang kumilos, hinarang ang suspek, isinara ang gate, at humingi ng tulong sa mga residente at barangay tanod.

Sa tulong ng mabilis na responde ng mga sibilyan at barangay officials, naagapan ang pagtakas ng suspek at agad itong naaresto.

Dinala ang suspek sa Barangay Hall para sa paunang imbestigasyon bago isinuko sa Tanza Municipal Police Station. Kasalukuyan na itong nasa kustodiya ng pulisya habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya.

Pinuri naman ni PCOL Ariel R. Red, Provincial Director ng Cavite Police Provincial Office, ang mabilis na aksyon ng komunidad na naging susi sa agarang pagkakadakip.

25/06/2026

EX-EMPLEYADO NG KUMPANYA, TINANGAY ANG ISUZU VAN MATAPOS BUMILI NG SIGARILYO

CABUYAO CITY, LAGUNA — Isang sasakyan ng isang kumpanya ang tinangay umano ng dating empleyado nito sa harap ng L-Square Office Basics Corporation sa Barangay Sala, Cabuyao City, dakong alas-4:30 ng madaling araw noong Hunyo 23, 2025.

Batay sa ulat ng Cabuyao City Police Station, kinilala ang nawawalang sasakyan bilang isang Isuzu closed van na may plakang XTW 367 na pag-aari ng Office Basics Corporation.

Sa salaysay ng isang testigo, bago ang insidente ay bumili muna umano ng sigarilyo ang suspek sa tindahan at sandaling nagpalipas ng oras sa lugar.

Ilang saglit pa, nilapitan umano nito ang nakaparadang sasakyan, sumakay, at agad itong pinaharurot patungong northbound direction.

Lumitaw din sa imbestigasyon na ang suspek ay dati umanong empleyado ng kumpanya ngunit natanggal sa serbisyo dahil sa “conduct unbecoming of an employee.”

Kinilala ang suspek na si alyas “Gerardo,” 45 anyos, residente ng Tatalon, Quezon City, at kasalukuyang tinutugis pa ng mga awtoridad.

Patuloy ang follow-up investigation ng pulisya at inihahanda na rin ang pagsasampa ng kaukulang kasong kriminal laban sa suspek.

25/06/2026

PAWN SHOP, NILUSOB NG MGA MAGNANAKAW - HALOS P900K NA GADGETS TINANGAY

Calamba City, Laguna — Isang pawnshop sa Barangay Real ang biktima ng umano’y maingat na planadong pagnanakaw matapos pasukin ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki at tangayin ang mga gadget na umaabot sa mahigit ₱851,180.00 ang halaga, madaling-araw ng Hunyo 23, 2026.

Sa ulat ng Calamba City CPS, nangyari ang insidente bandang 12:50 AM sa SMSP Pawnshop sa National Highway.

Ayon sa imbestigasyon, bandang 8:00 ng umaga ng parehong araw nang madiskubre ng papasok na empleyado na bukas na ang pinto ng customer area, na dapat ay nakasarado at naka-lock sa labas ng oras ng trabaho.

Sa masusing inspeksyon, natuklasan na wasak ang mga padlock ng roll-up door ng establisimyento.

Gayundin, napansin na sinira rin ang kandado ng storage area kung saan nakalagay ang mga natangay na gadget.

Batay sa CCTV footage, dalawang lalaki ang pumasok sa loob ng pawnshop.

Kapwa nakasuot ng kulay abong jacket at pantalon, at may helmet upang itago ang kanilang pagkakakilanlan.

Matapos kunin ang ilang kagamitan, mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Barangay Parian, Calamba City.

Patuloy ngayon ang pagkalap ng karagdagang CCTV footage ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang kanilang ruta ng pagtakas.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon sa nasabing kaso.

25/06/2026

LALAKI BINARIL SA HARAPAN NG BAHAY, MGA SUSPEK TUMAKAS SAKAY NG PULANG TRICYCLE

SAN JUAN, Batangas – Sugatan ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek habang nasa harapan ng kanyang bahay sa Barangay Palahanan, San Juan, Batangas dakong alas-10:50 ng gabi noong Hunyo 24, 2026.

Ayon sa ulat ng San Juan Municipal Police Station (MPS), nakatanggap ng tawag ang Municipal Tactical Operations Center (MTOC) mula sa isang concerned citizen hinggil sa naganap na pamamaril sa nasabing lugar.

Agad namang rumesponde ang mga awtoridad sa pangunguna ni PLTCOL CRISPIN K. BANES, Chief of Police ng San Juan MPS, kasama ang mga duty investigator at patrol personnel.

Batay sa paunang imbestigasyon, habang nakatayo ang biktima sa harapan ng kanyang bahay, dumating ang suspek at walang anumang babala na nagpaputok ng ilang beses na tumama sa iba't ibang bahagi ng kanyang katawan.

Dahil sa tinamong mga sugat, agad na isinugod ang biktima sa Divine Care Hospital upang mabigyan ng agarang lunas at medikal na atensyon.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng pulang back-to-back tricycle patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.

Sa kasalukuyan, nananatiling at large ang mga suspek habang patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo sa pamamaril at pagkakakilanlan ng mga salarin.

Kabilang sa mga hakbang na isinagawa ng San Juan MPS ang follow-up investigation, pagsasagawa ng dragnet operation para sa agarang pagdakip sa mga suspek, at paghingi ng tulong sa Batangas Provincial Forensic Unit upang masusing maproseso ang crime scene at makakalap ng mahahalagang ebidensya para sa paglutas ng kaso.

25/06/2026

BEER, NAGKALAT SA KALSADA MATAPOS MALAGOT ANG TALI SA TRUCK

IMUS, Cavite — Nagkalat sa kahabaan ng Imus Boulevard sa Imus, Cavite ang malaking bahagi ng kargamento ng beer matapos umanong maputol o malagutan ng tali ang isang truck na may dalang mga kahon ng alak nitong Huwebes.

Batay sa ulat, bumagsak sa kalsada ang maraming kahon at bote ng beer, na nagdulot ng pansamantalang pagsikip ng daloy ng trapiko sa lugar.

Agad namang nagsagawa ng traffic management at clearing operations ang mga kinauukulang awtoridad upang maiwasan ang mas matinding abala sa mga motorista.

Rumesponde rin ang Engineering Action Team upang linisin ang kalsada at alisin ang mga nagkalat na kargamento. Tiniyak ng mga awtoridad na ligtas na madaanan muli ang lugar matapos ang isinagawang paglilinis.

Sa kabila ng insidente at epekto nito sa trapiko, wala namang naiulat na nasugatan o napahamak.

Bidyo: LGU Imus

25/06/2026

HALL OF JUSTICE PINASOK NG KAWATAN, MGA GAMIT SA KORTE NILIMAS

CAINTA, Rizal – Isang 21-anyos na lalaki ang pinaghahanap ngayon ng pulisya matapos umanong looban ang Cainta Municipal Trial Court sa Hall of Justice Building sa Barangay Sto. Domingo noong gabi ng Hunyo 11, 2026.

Batay sa ulat ng Cainta Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente dakong alas-8:30 ng gabi hanggang alas-9:30 ng gabi.

Lumalabas sa imbestigasyon na puwersahang pinasok ng suspek ang gusali matapos sirain ang bakal na grills ng isang bintana sa ground floor ng Hall of Justice Building.

Matapos makapasok, tinangay umano ng suspek ang iba't ibang kagamitan na pag-aari ng korte bago tumakas sa parehong daanan na kanyang ginamit sa pagpasok.

Kabilang sa mga natangay ang isang powerbank, headphone, tatlong micro SD cards, dalawang digital voice recorder, isang Bluetooth wireless headphone at isang earphone.

Tinatayang umaabot sa mahigit P22,000 ang kabuuang halaga ng mga kagamitang may nakatalang presyo, bukod pa sa iba pang gamit na wala pang eksaktong halagang naitala.

Ayon sa pulisya, agad silang nagsagawa ng follow-up investigation, pakikipanayam sa mga posibleng saksi, at pagsusuri ng mga kuha ng CCTV camera sa paligid.

Sa pamamagitan ng backtracking at forward tracking ng mga footage, natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek na si alyas "Justine," 21-anyos, residente ng Barangay San Andres, Cainta, Rizal.

Sa kasalukuyan, nananatiling at-large o nakalalaya pa ang suspek habang nagpapatuloy ang operasyon ng mga awtoridad upang siya ay maaresto.

Inihahanda na rin ng mga imbestigador ang mga kaukulang dokumento para sa regular na pagsasampa ng kaso laban sa suspek sa Office of the Rizal Provincial Prosecutor.

Want your business to be the top-listed Media Company in Indang?
Click here to claim your Sponsored Listing.

Address


Indang Cavite
Indang
4120