Educators For Change
25/12/2024
Saan tayo makakahanap ng pag-asa sa gitna ng krisis at kaguluhan na hinaharap ng taumbayan sa araw-araw?
... Sa ating magkakaugnay na buhay na nakikipaglaban para sa hustisyang panlipunan
.. Sa ating magkakaugnay na paniniwala na kumilos para sa ating mga karapatan
… Sa ating pinagsamang mga pangarap at hangarin para sa magandang bukas.
Makabuluhang Pasko at Mapagpalayang Bagong Taon!
Mula sa Bagong Alyansang Makabayan
20/12/2024
Pahayag ng TAMA NA kaugnay ng PhilHealth at 2025 National Budget:
Subsidyo sa PhilHealth, ibalik! Paggastos ng PhilHealth, suriin! Publikong sistemang pangkalusugan, direktang pondohan!
Nakikiisa ang TAMA na sa panawagan na agad ibalik ang 74.431 bilyong pisong subsidyo ng gobyerno sa PhilHealth na inalis ng bicameral conference ng Senado at Kongreso. Ang kawalan ng subsidyo para sa PhilHealth ay pagtakas ng gobyerno sa responsibilidad nito sa serbisyong pangkalusugan ng mga senior citizen, PWDs, at mahihirap na Pilipino.
Hindi maitatago ng pagtataas ng case rate (gastos sa bawat sakit o medical procedure na sinasagot ng PhilHealth) at ilang dagdag-serbisyo ang masamang epekto ng pagkawala ng subsidyo ng gobyerno sa PhilHealth. Maaaring mabilis na maubos ang reserbang pondo ng PhilHealth mula sa kontribusyon ng mga manggagawa kung hindi ibabalik ang subsidyo. Hindi rin dapat ipagyabang ng administrasyon ang pagtaas ng administrative expenses ng PhilHealth na pinondohan ng 12.5 bilyong piso para sa 2025 dahil ang gastusing ito ay napupunta lamang sa sangkatutak na papeles, pagpapapila sa pasyente, at sa burukrasya, sa halip na direktang ilaan sana sa publikong sistemang pangkalusugan.
Dapat bantayan at suriin ang paggastos ng PhilHealth dahil sa kabila ng sinasabing malaking reserbang pondo nito ay nagkaroon ito ng 50 bilyong pisong unsettled claims para sa serbisyo ng mga pribadong ospital at doktor noong 2023 na 2024 na nabayaran. Ayon sa rekord ng Commission on Audit, may 7.58 bilyong pisong unsettled disallowances (perang dapat ibalik sa kaban ng bayan) ang PhilHealth noong 2023. Kamakailan ay nalantad din ang planong maluhong selebrasyon ng anibersaryo ng PhilHealth. Notoryus din ang mga opisyal ng PhilHealth sa malalaking sweldo, benepisyo, at bonus. Dapat limitahan ang kompensansyon nila gaya ng iba pang empleyado ng gobyerno. Nakakagalit na halos nakahiga na sila sa pera ng bayan habang maraming kababayan ang hindi makapagpagamot o namumulubi para lang makapagpagamot.
Sa isang pagdinig sa Kongreso ay nalantad din na may 504 bilyong pisong investment fund din ang PhilHealth (pondong ipinupuhunan sa government securities at mga korporasyon). Kailangang isapubliko ng PhilHealth ang detalye ng mga pamumuhunan/investment nito para matiyak na hindi nalulugi ang taumbayan, hindi nalalagay sa peligro ang pera ng bayan, at hindi nagagamit ang pera ng bayan para sa mga pribadong korporasyong kanetwork ng mga burukrata at opisyal sa gobyerno.
Dapat bigyang-diin na hindi lubos na naseserbisyuhan ng PhilHealth ang mga mamamayan dahil batay sa opisyal na datos mismo noong 2023, 44.4% o 550.19 bilyong piso ang household out-of-pocket payments (gastusing sa pagpapagamot na hinuhugot sa sariling bulsa ng mga mamamayan dahil hindi covered ng PhilHealth at maging ng pribadong insurance/HMO).
Panahon na mas suriin ang paggastos ng PhilHealth sa kontribusyon ng mga manggagawang Pilipino para mas makapagsilbi ito sa publiko sa halip na sa kapritso ng mga burukrata at mga pribadong korporasyon na nakikinabang sa investment fund nito. Dapat ding pag-usapan at seryosohin na ang pagdebelop ng alternatibong sistema kung saan direkta nang popondohan, palalawakin, at pararamihin ang mga publikong klinika, laboratoryo, at ospital at wala nang pila, papeles, at burukrasya. Sa ilalim ng sistema ngayon na nakasentro sa PhilHealth (publikong insurance) at mga HMO (pribadong insurance), kapansin-pansin na 21.5% ng ating kabuuang paggastos sa kalusuhan ang napunta sa “governance, and health system, and financing administration” (pila, papeles, at burukrasya). Malinaw na hindi sustenible ang ganyang sistema lalo pa at may sapat na dahilan para sabihing hindi naging episyente sa paggamit ng pondo ng bayan ang ahensyang pinagkatiwalaan sa serbisyong pangkalusugan.
14/12/2024
Click here to claim your Sponsored Listing.