Unsent Stories
20/10/2025
ANG GALING MO LORD 🙏
Si Lita, simple lang, masipag. May maliit na tindahan siya sa harap ng bahay nila. Akala niya, okay na lahat. May trabaho si Mang Leo, ang asawa niya, at nakakapag ipon sila kahit papaano para sa pag aaral ng dalawa nilang anak. Masaya, sapat lang.
Pero siyempre, ang buhay, hindi yan parang saging na laging matamis.
Biglang nagkasakit si Mang Leo. Grabe. Hindi lang sipon. Kailangan ng seryosong gamutan. Siyempre, huminto siya sa trabaho. Doon na nagsimula ang pagsubok. Unang naubos ang ipon. Sumunod ang mga paninda sa tindahan. Lahat naibenta, pati yung mga lumang gamit nila. Nagpatong patong ang bayarin sa ospital, sa renta, at siyempre, wala na silang kikitain.
Isang gabi, Biyernes iyon. Umulan nang malakas. Nakaupo si Aling Lita sa sulok ng kusina nila. Wala na silang bigas, Bes. Wala nang pambili ng gatas ng bunso niya. May kaunting lagnat pa yung bata. Tiningnan niya yung wallet niya. Walang wala talaga. Pati pambili ng acetaminophen wala.
Doon na siya tuluyang umiyak. Yung iyak na walang tunog, yung iyak na humihina na lang sa sobrang pagod.
"Diyos ko po," bulong niya habang nakatingala sa kisame na tumutulo na. "Nasaan po Kayo? Bakit po parang mag isa na lang ako?"
Pakiramdam niya noon, parang nakalimutan na siya ng mundo, pati na ng Diyos. Yung pananampalataya niya, parang kandila na unti unti nang namamatay dahil sa hangin ng problema. Pero sa gitna ng iyak niya, may naisip siya. Kahit parang wala nang pag asa, kinuha niya ang lumang Bibliya nila, yung manipis na yellow pages na laging nasa itaas ng cabinet.
Hinawakan niya iyon nang mahigpit at nanalangin siya. Hindi na siya humingi ng pera. Ang sabi niya lang, "Panginoon, kung may plano po Kayo sa amin, bigyan niyo po ako ng sign. Bigyan niyo po ako ng lakas para bukas." Talagang isinuko niya na lahat.
Pagkatapos niyang manalangin, bigla siyang nakaramdam ng pagod pero payapa. Natulog siya nang mahimbing sa tabi ng mga anak niya.
Kinabukasan, Sabado. Medyo sumikat ang araw. Mga alas otso siguro, may malakas na katok sa pinto nila.
Medyo nag alangan pa si Aling Lita magbukas kasi nahihiya siya. Baka singil na naman sa utang. Pero binuksan pa rin niya.
Nakita niya si Aling Rosa, yung dating kapitbahay niya na matagal na niyang hindi nakita. May dala itong malaking basket. Punung puno ng pagkain. Bigas, kape, gatas, de lata, at siyempre, may gamot.
"Lita," bungad ni Aling Rosa. "Kuwento ni Nena sa akin ang nangyari. Hay naku, alam mo ba? Kagabi, habang nagluluto ako ng hapunan, bigla akong kinalabit ng puso ko. Sabi ng isip ko, 'Bigyan mo si Lita. Ngayon na.' Hindi ko alam kung bakit pero hindi ako pinatulog hangga't hindi ako nag eempake ng grocery para sa iyo."
Grabe, Bes. Halos himatayin si Lita sa gulat at tuwa.
Hindi lang iyon. May inabot pa si Aling Rosa na maliit na sobre. "Tsaka itong pera, pambayad sa upa mo. Saka may alam akong trabaho. Maglilinis ka lang ng opisina, pero pang umaga lang para maalagaan mo si Mang Leo."
Noong oras na iyon, alam ni Aling Lita. Yung panalangin niya kagabi, sinagot. Hindi dumating ang Diyos na may dalang bagahe ng pera na bumagsak sa bubong nila. Dumating Siya sa pamamagitan ng puso ng isang kaibigan. Yung tawag sa puso ni Aling Rosa, iyon ang sign na hiniling niya.
Napayakap na lang si Aling Lita kay Aling Rosa at umiyak siya ulit. Pero this time, iyak na ng pasasalamat.
Simula noon, kahit paunti unti, naka ahon sila. Gumaling si Mang Leo. Nagkaroon ng kita si Aling Lita. Pero ang pinakamahalaga, hindi na siya natakot. Alam niya na sa bawat sulok ng problema, may Diyos na handang kumalabit sa puso ng ibang tao para tulungan ka.
18/10/2025
Liham Kay Santa Claus:
Mula kay: Marco Santos
Para kay: Santa Claus, North Pole
Mahal na Santa Claus,
Alam kong puma*ok ka sa bahay namin kagabi.
Hindi ako nagpadala ng wish list ngayong taon dahil wala na akong hihilingin pa. Hindi ako naniniwala sa iyo, Santa. O, sa iyo noon. Pero ngayong umaga, paggising ko, may bago akong paniniwala. Alam ko na ngayon kung sino ka talaga.
"Matulog ka na Marco, hindi ka bibisitahin ni Santa Claus kung hindi ka matutulog" paalala ni mama.
Kagabi, Christmas Eve, hindi ako makatulog. Binuksan ko ang aking ipad at nanood ng Netflix. Mag aalas-dose na, at tahimik ang bahay. Pero bigla kong narinig ang ingay sa fireplace namin. Hindi parang daga, mas mabigat. Para bang may nagpipilit na lumabas.
At nagulat ako sa aking nakita.
"Santa?", hindi ikaw si Santa", bulong ko.
Dali daling akong nagtago. Hindi siya 'yung Santa sa mga card at napapanood ko sa tv. Hindi siya 'yung masaya at puting matanda na may rosy cheeks. Maitim ang kanyang balat at matigas ang kanyang balbas na kulay abo. Dilaw ang kanyang mga mata na parang mga kandila na nag-aapoy. At ang damit niya, hindi bright red. Maroon ito, kulay ng pinatuyong dugo.
Naka-upo siya sa sahig, at nakalawit ang kanyang butas na sako sa kanyang balikat.
Tumibok ng malakas ang aking puso sa laman ng sako, "Santa... hindi ito mga laruan". Bata.. mga bata ang laman nito.
Naririnig ko ang mga bata. Hindi tawanan....Iyak. Mga boses na umiiyak, at ang amoy... amoy abo at metal, na parang pinaglumaang pabrika.
Pagkatapos, tumingin siya sa ilalim ng Christmas tree at may dinukot sa kanyang bulsa, isang bagay na hindi ko makakalimutan.
Hindi ito kendi. Hindi ito barya. Ito ay isang ngipin.
Isang itim na ngipin, parang ngipin ng tao, pero ang laki ay parang sa kabayo. Inilagay niya ito sa loob ng aking medyas. Tahimik. Walang tunog.
Pagkatapos, tumingin siya pabalik sa akin, at ngumisi. Hindi Ho-ho-ho. Ang ngisi niya ay dahan-dahan, habang nakangiti siya, nakita kong maitim, at matulis ang kanyang ngipin.
Lumapit ito sa aking kinatatayuan.
"gusto mo ng regalo?, halika at silipin mo ang laman ng aking sako." Sabay ngisi nito.
Agad kong ipinikit ang aking mata at nanalangin ng malakas habang nanginginig sa takot.
Pagkamulat ng aking mga mata ay mabilis itong bumalik sa fireplace. Parang anino na dahan-dahang kinain ng dilim. Mabilis akong bumalik sa aking kwarto at nagtago gamit ang aking kumot. Takot na takot..
Kaya, Santa, ngayon ay alam ko na.
Hindi ka nagdadala ng mga regalo sa mga batang gising sa gabi.
Sana hindi mo ito mabasa, pero alam kong mababasa mo.
Sa susunod na pasko ay pipilitin kong matulog na.
Nagmamahal,
Marco
17/10/2025
Trick or treat - Haloween 👻👻👽😱
Sa isang maliit na bayan ng Brgy. Mabini, naghahanda ang lahat para sa pinaka-aabangang gabi ng Halloween!
Exicited si Maya, suot niya ang kanyang costume na diwata, na gawa sa lumang kurtina ng kanyang ina at mga dahon na nilagyan ng glitters. Ang kanyang kapatid na si Ben, ay nakasuot naman ng costume na munting bampira, na may pekeng ngipin na gawa sa karton.
"Handa ka na bang mangolekta ng maraming kendi, Ben?" tanong ni Maya, habang inaayos ang kanyang pakpak.
"Oo! Sana marami tayong makuha!" sigaw ni Ben, habang pinapakita ang kanyang itim na balabal.
Kasama ang kanilang ina, lumabas sila ng bahay paglubog ng araw. Ang kalangitan ay kulay kahel at lila, at ang malamig na hangin. Ang bawat bahay sa kanilang kalye ay may nakasinding ilaw at ang mga dekorasyon ay nagbibigay ng saya at kaunting takot. May mga pekeng sapot ng gagamba, mga nakakatuwang multo, at mga kalansay na sumasayaw sa hangin.
Pumunta sila sa unang bahay, na may nakasabit na malaking multo sa puno. Kinabahan si Ben, ngunit hinawakan ni Maya ang kanyang kamay. Kumatok si Maya sa pinto at nang bumukas ito, binati sila ng isang nakangiting matandang babae.
"Trick or Treat!" sabay nilang sabi.
"Naku, ang gaganda at ang gagwapo naman ng mga bisita ko!" sabi ng matanda habang naglalagay ng mga tsokolate at lolipop sa kanilang mga basket.
Habang naglalakad, nakita nila ang iba pang mga bata na nakasuot din ng kani-kanilang mga costume. Mayroong nakabihis na superhero, prinsesa, at maging isang nakakatawang hotdog!
Habang lumalalim ang gabi at papalayo sila sa pinaka dulo ng barangay, nagsimulang magbago ang kapaligiran.
Napansin ni Maya na biglang tumahimik ang kanilang ina na si Aling Nina. Ang mga mata nito ay nakatingin lang sa dulo ng kalsada, kung saan nakatayo ang bahay ni Lola Selya, ang matandang babae na bihira nang makita sa bayan.
"Ma, doon po tayo pupunta?" tanong ni Ben, habang mahigpit na humawak sa jacket ng kanyang ina. Lumamig bigla ang hangin at ang mga ingay ng mga bata ay tila humina at naglaho.
"Syempre, anak," bulong ng ina, ngunit ang boses niya ay tila patag at walang emosyon. "Sabi ni Lola Selya, doon daw ang pinakamasarap na kendi."
Habang papalapit sila, napansin ni Maya na walang ni isang dekorasyon ang bahay ni Lola Selya. Walang ilaw. Walang sapot ng gagamba. Tanging ang makapal at itim na anino lamang ang bumabalot dito. Sa halip na matamis na amoy ng kendi, may naamoy si Maya na kakaiba, isang amoy na parang pinagsamang tuyong dahon at lumang lupa.
Kumatok ang kanilang ina sa pinto ng tatlong beses. Walang sumagot, ngunit biglang bumukas ang pinto nang kusa, na parang may nagbukas mula sa loob. Ang dilim sa loob ay tila mas matingkad kaysa sa dilim ng gabi.
"Trick or Treat!" sabi ni Ben, ngunit ang boses niya ay nanginginig.
Mula sa dilim, may lumabas. Hindi ito si Lola Selya. Ito ay isang matangkad at payat na pigura, nakasuot ng luma at kumupas na damit na parang pangkasal. Ang mukha nito ay hindi malinaw, tanging dalawang butas lamang na tila mata ang nakikita ni Maya, at ang isang mahaba, kulubot na kamay.
Ang pigura ay hindi nagsalita, ngunit itinaas nito ang kamay. Sa halip na kendi, may hawak itong mga maliliit na bagay na nakabalot sa madilim, makintab na papel.
"Kumuha na kayo," bulong ng kanilang ina.
Lumapit si Ben at kumuha ng isa, pagkatapos ay mabilis na umurong. Nang hawakan ni Maya ang isa, naramdaman niya na hindi ito matamis. Matigas ito at tila buto sa loob. Nagkaroon siya ng masamang pakiramdam. Lumingon siya sa kanyang ina, ngunit nakita niya na ang mga mata nito ay nanatiling nakatingin lang sa pigura, at may kakaibang ngiti sa labi.
Nagsimulang kumalat ang lamig sa buong katawan ni Maya.
"Marami pa," sabi ng pigura, at sa unang pagkakataon ay narinig niya ang boses nito. isang malalim at kumakalansing na tunog, parang mga lumang kadena. "Hindi lang mga kendi ang nakokolekta sa gabing ito."
Tumingin si Maya sa mga balot na bagay sa kanyang kamay. Sa ilalim ng liwanag ng buwan, nakita niya ang bahagyang pagkakabukas ng papel. Hindi kendi ang nasa loob kundi mga tuyong daliri na kasinlaki ng lolipop.
Napasigaw si Maya. Binitawan niya ang lahat at tumakbo.
"Ben! Takbo!" sigaw niya.
Lumingon si Ben, nagtataka. Pero nang makita niya ang takot sa mukha ni Maya, sumunod siya.
Habang tumatakbo sila, narinig nila ang mahinang tawa ng pigura sa likuran nila.
Nilingon ni Maya ang kanyang ina. Ang ina niya ay nakatayo pa rin doon, nakangiti, at ang kanyang mga kamay ay dahan-dahang itinaas patungo sa balabal ng pigura, parang nag-aalay ng kanyang sarili.
"Ma! Halika na!" sigaw ni Maya, ngunit ang tanging tugon ay ang patuloy na pagtawa ng pigura.
Tumakbo sila ni Ben hanggang sa makarating sila sa kanilang bahay. Nang maisara nila ang pinto, humingal sila sa takot. Hindi na bumalik ang kanilang ina.
Kinabukasan, walang nakakita sa bahay ni Lola Selya. Naglaho ito na parang bula.
At ang lahat ng natagpuan sa kalsada ay ang mga bakas ng maliliit na paa na tumakbo palayo, at ang isang basket na puno ng makintab, maitim na balat ng mga kendi na sa ilalim ay mga tuyong buto.
Si Maya at Ben ay nag-iisa na, at sa bawat Halloween na dumarating, alam nila na hindi lang mga kendi ang hinahanap ng mga pigura sa mahiwagang gabi. Mayroong naghahanap ng mga bagay na mas matamis pa sa tsokolate.
Click here to claim your Sponsored Listing.
Category
Telephone
Website
Address
6107